Lahat tayo ay mahaharap sa mahihirap na sitwasyon. Hindi kung makakaharap mo sila, kundi kung kailan. Ngunit kung ang mga paghamong iyon ay dumating, malalaman mo na hindi ka nag-iisa.
Sa Isaias 43:2, pinaalalahanan ng Diyos ang Israel na ang Kanyang katapatan ay hindi nagbabago ayon sa kanilang mga sitwasyon. Siya ay tapat noon, at Siya ay patuloy na mag-iingat at maglalaan para sa kanila…
“Kapag dumaan ka sa malalim na tubig…”
Makalipas ang 400 taon ng pagkaalipin, binigyan ng Diyos si Moises ng kapangyarihan upang pamunuan ang mga Israelita mula sa pagkabihag ng Egipcio. Habang ang kalaban na hukbo ay papalapit at tila ang lahat ay nawawala, ang Diyos ay gumawa ng isang daan—sa pamamagitan mismo ng Dagat na Pula. (Tingnan ang Exodo 14.) Ito marahil ang tinutukoy ng aklat ng Isaias upang ipaalala sa mga Israelita ang kapangyarihan ng Diyos.
“Tumawid ka man sa mga ilog…”
Ang mga mambabasa ni Isaias marahil ay pinaalalahanan ng panahon na tinuyo ng Diyos ang Ilog Jordan para sa mga Israelita nang sila ay tumatawid kasama ang kaban ng Panginoon. Nagtayo pa sila ng memoryal, upang ang mga salinlahi na darating ay maaalala ang presensya ng Diyos. (Makikita mo ang kuwentong ito sa Josue 3.)
“Dumaan ka man sa apoy…”
Sa aklat ng Daniel, tatlong lalaki—sina Shadrac, Meshac, at Abednego—ang itinapon sa nagniningas na pugod pagkatapos na tumangging sundin ang kautusan ng hari na yumuko sa isang diyos-diyosan, sa halip na sa Diyos. Sila ay mahimalang nailigtas, at hindi man lang nag-amoy usok. (Ang kuwentong ito ay nasa Daniel 3.)
Kahit na ang pangyayaring ito marahil ay hindi nangyari nang sumusulat si Isaias, ang mga salita ng Diyos ay mangyayari pa rin. At ngayon, kung titingnan natin ang Kanyang katapatan sa mga lalaki sa nagniningas na pugon, maaari nating pagnilayan ang Kanyang pangako sa Isaias, at tandaan na ang Diyos ay tapat na iniingatan ang Kanyang bayan.
Ang pag-alala sa katapatan ng Diyos noon ay makakatulong sa atin na magtiwala sa Kanya sa hinaharap.
Kahit na humarap sa mga pinakagrabeng sitwasyon, ang Diyos ay hindi nagulat. Siya ay nauna na sa iyo. Anuman ang mangyayari, ang mga pagsubok sa buhay at paghihirap ay hindi magkakaroon ng huling pasya. Ang Diyos ay makapangyarihan pa rin, naglalaan pa rin, at nag-iingat pa rin sa iyo … at walang makalalaban sa ating Diyos.
Kaya ngayon, habang ginugunita mo ang iyong buhay, paano mo nakita ang katapatan ng Diyos? At paanong ang mga alaalang iyon ay makakatulong sa iyo na magtiwala sa Kanya sa iyong hinaharap?