Isipin ang Espiritu ng Diyos na umaaligid sa ibabaw ng lupa. Ang lahat ay madilim at walang anyo hanggang sa inihinga ng Diyos ang mga salitang, "Magkaroon ng liwanag." Sa isang iglap, nagbabago ang lahat. Ang liwanag ay tumatagos sa kadiliman, at ang dating hindi nakikita ay nakikita nang malinaw. Ito ang ginagawa ng Espiritu ng Diyos. Siya ay laging malapit—nagbibigay ng liwanag sa dating natabunan ng kadiliman.
Ang Banal na Espiritu ay naririyan sa sinumang nagiging tagasunod ni Jesus, na nagbibigay ng kapangyarihan sa kanila upang isabuhay ang pagtawag na ibinigay ng Diyos sa kanila.
At ano ang ipinagagawa ni Jesus sa lahat ng Kanyang mga tagasunod? Mahalin ang Diyos, mahalin ang iba, at gumawa ng mga alagad.
Nais ng mga unang alagad ni Jesus na Siya ay manatili at papanumbalikin ang kaharian ng Israel. Ngunit sa Mga Gawa 1, ipinahiwatig ni Jesus na ang Kanyang Kaharian ay hindi tulad ng kanilang iniisip. Ang Kanyang Kaharian ay magpapatuloy sa buong kasaysayan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu at ang patuloy na patotoo ng Kanyang mga alagad.
Ang Banal na Espiritu ay isang regalo mula sa ating Amang nasa Langit na tumutulong sa atin na mamuhay sa paraan na nagpaparangal sa Diyos at sumasalamin sa Kanyang katangian. Kung pahihintulutan natin ang Banal na Espiritu na hubugin tayo, binabago Niya ang mga paraan kung paano tayo nag-iisip at kumikilos.
Ang Banal na Espiritu ang nagbibigay sa atin ng kapangyarihan upang maipakilala si Jesus sa buong mundo.
Dahil dito, ang mamuhay nang puspos ng Espiritu ay nangangailangan ng sadyang paghahanap sa Diyos araw-araw. Doon sa mga inilalaang panahong kasama natin ang Diyos natin natutuklasan kung paano gumawa ng mga alagad. At, habang nagpapatuloy tayo sa buhay, tutulungan tayo ng Banal na Espiritu nang may kagalakan at buong tapang na makilala si Jesus ng mga taong inilalagay Niya sa ating paligid. Bibigyan Niya tayo ng pananaw, kaunawaan, at tapang na kailangan natin upang ipakita ang pag-ibig ni Jesus sa iba.
Kaya ngayon mismo, maglaan ng ilang mga sandali at pasalamatan si Jesus para sa kaloob ng Kanyang Banal na Espiritu. Pagkatapos, anyayahan ang Banal na Espiritu na lumapit at baguhin ang paraan ng iyong pag-iisip at pagkilos. Gumugol ng ilang panahon sa tahimik na pagninilay, at hayaan ang Banal na Espiritu na ipaisip ang isa o dalawang tao na maaari mong pagbahaginan ng pag-ibig ni Jesus ngayon.