Kahit na sa pinakamahirap at pinakamalungkot na panahon sa buhay, kasama natin ang Diyos at nakikinig Siya sa atin.
Ang isang layunin ng isang awit ng panaghoy, o salmo ng panaghoy, ay ang maging tapat sa Diyos. Ito ay tungkol sa pagpapahayag ng kahinaan sa pamamagitan ng pagsasabi sa Diyos ng eksaktong nararamdaman natin. Hindi tayo dapat matakot sa Diyos o kung paano tayo nakikipag-usap sa Kanya, dahil kaya Niyang hawakan ang ating pinakamalalim na emosyon at mga reklamo. At ang mga salmo ng panaghoy ang ating modelo sa Banal na Kasulatan kung paano tayo magiging tapat sa Kanya.
Ang Awit 42 ay isang salmo ng panaghoy. Ito ay isang awit tungkol sa kawalan ng pag-asa sa kasalukuyang kalagayan ng manunulat. Ito ay nagsasabi ng malalim na kalungkutan at pighati na nararanasan sa buhay. Hindi alam ng manunulat ng Awit 42 kung bakit siya nalulumbay. Hindi siya sigurado kung bakit may mga partikular na bagay na nangyayari sa kanya. Kaya't siya ay lumalapit sa Diyos sa panalangin at awit, na nagpapahayag ng kaibuturang bahagi ng kanyang kaluluwa.
Ang isa pang layunin ng panaghoy ay upang iugnay ang kawalan ng pag-asa ng buhay sa pag-asa na ibinibigay ng Diyos. Ang panaghoy ay nagsisilbing tulay sa pagitan ng ating kasalukuyang sitwasyon at ng mga pangakong hinihintay natin.
Ang manunulat ng Awit na ito ay nagsasabi sa kanyang sariling kaluluwa at hinihikayat ang kanyang sarili na patuloy na umasa sa Diyos. Alam niya na walang panahon na magtatagal magpakailanman, at darating ang panahon na babalik sa kanya ang kagalakan.
Lahat tayo ay dadaan sa mga panahon ng kalungkutan at pighati. At meron tayong Mga Awit bilang gabay. Ang unang hakbang ay humarap sa Diyos at tapat na ipahayag ang iyong sarili sa Kanya. Sabihin mo sa Kanya kung ano ang nararamdaman mo.
Pagkatapos, alalahanin ang mga pangakong ibinigay Niya sa iyo sa Kanyang Salita. Isalaysay kung gaano ka Niya kamahal at gaano Siya nagmamalasakit sa iyo.
At panghuli, hikayatin ang iyong sarili na ilagay ang iyong pag-asa sa Diyos. Bigyan ng puwang ang mga awit ng papuri sa kabila ng iyong kasalukuyang kalagayan.