Nakalakad ka na ba sa isang disyerto o nakapunta sa isang ilang na lugar? Kung gumugol ka ng maraming oras doon, alam mo kung ano ang pakiramdam na magsimulang mapagod o mauhaw sa isang hungkag at napakalaking lupain.
Maraming panahong nasumpungan ng bayan ng Israel ang kanilang sarili sa disyerto. Natagpuan nila ang kanilang sarili na nasa gitna ng mga kapanahunan ng pagkawasak at pagtalikod. Sa loob ng maraming taon na nasa disyerto, sila ay nahapo at napagod.
Sa gitna ng isa sa mga panahong iyon, nagsimulang mangusap ang Diyos sa kanila ng mga pangako sa pamamagitan ng mga propeta. Nagsabi ang Diyos ng mga propesiya tungkol sa hinaharap. Ipinangako Niya sa kanila na Kanyang pananariwain sila at bibigyang-kasiyahan sa gitna ng tuyo at mahihirap na panahon.
Bagaman hindi tayo mga Israelita na naglalakad sa ilang, sumusunod at lumalakad pa rin tayo sa parehong Diyos na lumakad na kasama nila. At kung tayo ay magiging matapat, ang ating espirituwal na buhay kung minsan ay parang paglalakad sa tuyong disyerto. Ang ilang mga panahon ng buhay ay nakakapagod at mahirap pagtiisan.
Ngunit sa gitna ng mga panahong iyon, patuloy na pinananariwa at binibigyang-kasiyahan ng Diyos ang Kanyang bayan. Siya ay patuloy na umaalalay sa atin kapag tayo ay pagod. Ginagawa Niya ang mga bagay na ito para sa atin dahil ang Kanyang katangian ay hindi nagbabago. Siya ang parehong Diyos na patuloy na nagpapaginhawa sa Kanyang bayan.
Kaya kung ikaw ay kasalukuyang nakakaramdam ng pagod at pagkahapo, maglaan ng ilang sandali ngayon upang umupo kasama ang Diyos sa panalangin. Sabihin sa Kanya kung ano ang iyong tunay na nararamdaman at kung ano ang nangyayari sa iyong buhay. Hilingin sa Kanya na panariwain ang iyong kaluluwa at bigyan ka ng kasiyahan kung ikaw ay pagod at nanghihina. Hayaang panariwain ka Niya at bigyan ka ng kapahingahan, at patuloy na bumuo ng gawi ng pakikipag-usap sa Diyos araw-araw.