“Ano ang kalooban ng Diyos para sa aking buhay?”
“Ano ang aking layunin at pagkatawag?”
“Ano ang maaari kong gawin upang kalugdan ng Diyos?”
Sa Bagong Tipan, ibinigay ni Jesus ang sagot sa mga tanong na iyon sa pamamagitan ng pagsasabi sa Kanyang taga-sunod na mahalin ang Diyos at mahalin ang mga tao. Sa Lumang Tipan, ang propetang si Mikas—puspos ng Banal na Espiritu—ay nagbuod ng kalooban ng Diyos sa Israel sa pagsasabing:
“Itinuro na niya sa iyo, kung ano ang mabuti. Ito ang nais ni Yahweh: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod ka sa iyong Diyos?”
Micas 6:8 RTPV05
Ang mga salitang ito ay isinulat sa panahon nang ang bayan ng Diyos ay nagsisikap Siyang pasiyahin sa pamamagitan ng mga sakripisyo, paghahandog, at pagsasagawa ng mga relihiyosong pagkilos, habang namumuhay sa panlilinlang, karahasan, at pagmamatas. Ngunit katulad ng isinulat ng propeta Hosea, “Sapagkat wagas na pag-ibig ang nais ko [Diyos] at hindi handog.” (Hosea 6:6 RTPV05)
Ang Diyos ay tumitingin sa motibo ng ating puso, hindi sa ating panlabas na relihiyosong gawain o sa napipilitang pagsunod.
Isa-isahin natin ang nais ng Diyos para sa atin:
Gumawa ng katarungan. Ang paggawa ng katarungan ay nangangailangan ng magkasabay na pananampalataya at mga pagkilos: pagtulong sa mga nasasaktan, pagtatanggol sa mahihina, pakikitungo nang patas sa mga taong nakakaharap natin, at pagsasalita para sa mga hindi makapagsalita para sa kanilang sarili.
Mahalin ang kabutihan. Ang habag ng Diyos ay isang matinding kabutihan. At dahil ipinakita Niya sa atin ang di-nararapat na kabutihan, maaari tayong magpakita ng di-nararapat na kabutihan sa iba. Ninanais ng Diyos ang mga bagay na ito nang higit pa sa walang katapusang "Patawad" na pananalita. Ang Diyos ay mabuti sa mapagpasalamat at masasama (Lucas 6:35), kaya nararapat na tayo rin.
Lumakad nang may pagpapakumbaba. Maging madaling turuan. Maging madaling hubugin. Tandaan: Hindi ka Diyos. Mayroon kang limitasyon. Kailangan mo ng isang Manlilikha at Tagapagligtas. Nandito ka lamang dahil nangusap ang Diyos at ikaw ay nagkaroon ng buhay. Kaya buong pagtitiwalang yakapin kung sino ka, at kung ano ang hindi ikaw, dahil kapag tayo ay nabubuhay nang ganap na may pagsuko sa Diyos, doon Siya gumagawa ng mga hindi kapani-paniwalang bagay sa pamamagitan natin.
Ang paghahanap ng katarungan, pagmamahal sa kabutihan, at paglalakad nang may kapakumbabaan—iyan ang gusto ng Diyos mula sa atin. Kaya sa mundong puno ng kawalang-katarungan, poot, at pagmamataas, maging mga tao tayong may marka ng tatlong mga bagay na ito.