Isa sa mga unang karanasan ng Israel ay ang Pagpapalaya ng Diyos. Mula sa mga pahina ng Genesis, hanggang sa mga huling talata ng Aklat ng Pahayag kay Juan, nakikita natin ang bawat tao sa bawat henerasyon at sulok ng mundo na nakararanas ng mga kahihinatnan at pagdurusa dahil sa kasalanan.
Kahit saan man sila nakatira o sino man sila, alam nating maaari lamang silang humingi ng tulong sa Diyos kahit kailan man o ano mang panahon, dahil Siya ay laging handang tumulong sa kanila.
Ikaw ba'y naniniwala?
Tunay ba ang paniniwala mong kaya iligtas ng Diyos ang isang buong komunidad at mapalaya sila sa isang hukbo ng kaaway sa pamamagitan ng paggawa ng daan sa gitna ng dagat? Ikaw ba'y naniniwala sa Kanya, ang Diyos na kinakausap mo ngayon?
Ikaw ba'y naniniwala kay Jesus na kayang magbigay ng paningin sa isang taong hindi napagkalooban nito simula nang siya'y ipinanganak? Ikaw ba'y naniniwalang kaya Niya pa rin gumawa ng mga himala?
Naniniwala ka ba na ang isang taong dati ay nagplanong pumaslang ng mga kapanalig ng Diyos, ay himalang magbago at maging isa sa Kanyang dakilang kapanalig? Ito ang ginawa ng Diyos kay Saul na naging Pablo. Isipin mo rin ang pinakamasasamang mga tao sa mundo sa ngayon, naniniwala ka bang kaya silang baguhin ng Diyos sa parehong paraan?
Tandaan natin na ang Diyos na kasama mo ngayon, ay Siya ding Diyos na nagpalaya at nagligtas sa mga pagkakataong nabanggit. Siya ang Diyos na dakilang tagapagligtas, kaya sabihin natin ang mga alalahanin sa Kanya.