Nakakatakot magsimula ng bagong bagay nang hindi alam kung anong mangyayari, maging ito'y isang bagong relasyon, trabaho, proyekto o kahit na paglalakbay sa isang bagong lugar. Hindi natin alam kung anong mga hamon ang maaari nating harapin sa daan.
Matapos makipagkita ang Diyos sa mga Israelita sa Bundok Sinai, binigyan Niya sila ng bagong pagkakakilanlan (mga taong pag-aari Niya), mga bagong pinahahalagahan (ang Sampung Utos), at isang bagong destinasyon (ang Lupang Pangako). Wala silang ideya kung saan sila pupunta o kung gaano katagal aabutin ang kanilang paglalakbay. Habang pinangungunahan sila ng Diyos sa ilang, binigyan din Niya ng pangako ang mga taong pagod na sa disyerto na sasamahan Niya sila at bibigyan ng kapahingahan.
Marami silang mga tanong—tungkol sa lahat! Makakahanap kaya sila ng pagkain at tubig? Makakaharap kaya sila ng mga kaaway sa kanilang paglalakbay? Paano sila mabubuhay?
Anumang oras na natatagpuan natin ang ating sarili sa isang bagong panahon, lugar, o sitwasyon, hindi natin kayang hulaan kung ano ang ating kakailanganin, at mapanghahawakan natin ang parehong pangako ng Diyos sa Israel noon: Sapat na ang Kanyang presensya, at magagawa nating magtiwala sa Kanya.
Anuman ang mangyari o saan man tayo magtungo, Siya ay kasama natin, at gumagawa Siya ng paraan para tayo ay makapagpahinga.
Maaari kang magtiwala na aakayin ka ng Diyos sa isang hinaharap kung saan posible ang pahinga. Kung paanong binigyan Niya ang Israel ng manna na makakain kapag kailangan nila ng pagkain, nagbibigay din Siya para sa iyo. Siya ay kasama mo, at Siya ay para sa iyo.