Ang lahat ay may mga dalahin, at ang mga pinagdadaanan natin ang siyang humuhugis sa ating pananaw sa mundo, at sa ating mga sarili. Subalit hindi tayo sinadyang dalhin ang ating mga pasanin ng nag-iisa.
Sa Mateo 11:28-30, sinasabi ni Jesus sa mga taong sumusunod sa Kanya—
Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatang lubha sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan. Pasanin ninyo ang aking pamatok at sundin ninyo ang aking mga itinuturo sapagkat ako'y maamo at mapagkumbabang loob. ...sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibinibigay ko sa inyo. (RTPV05)
Ang pamatok ay isang mabigat na kahoy na nakapatong sa dalawang baka, para gawing pantay ang bigat ng kanilang mga dala. Pero ang termino na ito ay ginamit din ng mga Rabbi ng Hudyo. “Ang pamatok ng batas” ay nagsagisag ng ganap na pagpapasakop sa kautusan ng Diyos, at itinuro ng mga Rabbi na ang pagpapasan nito ay magpapalaya sa mga Hudyo mula sa pagiging alipin ng mundo.
Ginagamit ni Jesus ang pangungusap na ito upang madali sanang maintindihan ng Kanyang mga tagasunod na mga Hudyo, pero binaliktad Niya ang paglalarawan. Sinabi Niya sa kanila na dapat silang magpasailalim sa Kanya—dahil Siya ang katuparan ng kautusan.
Kapag ginagawa nila ito, ang mga pasaning kanilang dinadala ay hindi man lamang magiging mabigat—dahil Siya ang magbubuhat ng bigat ng kanilang mga pasanin.
Ginamit ni Pablo na batayan ang aral na ito sa kanyang sulat sa mga Cristianong taga-Galacia:
“Magtulungan kayo sa pagdadala ng pasanin ng bawat isa, sa gayong paraan ay matutupad ninyo ang utos ni Cristo.”
Mga Taga Galacia 6:2 RTPV05
Ang kautusan ni Cristo ay ang ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip, at ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. (Mateo 22:37-40 RTPV05). Subalit ang tanging paraan para matupad natin ang kautusan ni Cristo ay ang itali natin ang ating sarili sa Kanya. Kapag tayo ay nakagapos kay Jesus, Siya ang nagiging pinagmumulan ng lakas.
Tinutulungan Niya tayong makayanan ang mga mahihirap na sitwasyon at hinahayaan tayong talikuran ang mga maling desisyon. Pinupuno Niya tayo ng Kanyang pag-ibig upang maibuhos natin ang Kanyang pag-ibig sa iba. Binibigyan Niya tayo ng kakayahang suportahan ang ibang tagasunod ni Cristo tulad ng pagsuporta Niya sa atin.
Gaya ng pag-ako ni Jesus sa ating mga kasalanan at paghihirap, tayo ay tinawag para dalhin ang paghihirap ng iba. Sa pamamagitan nito, naipapakita natin ang pagibig ni Cristo at nagagabayan natin sila patungo kay Jesus.
Ngayon din, maglaan ng ilang minuto sa pakikipag-usap sa Diyos tungkol sa mga pasanin na kailangan mo ng tulong para dalhin, at pagkatapos ay hayaan mong ipakita Niya sa iyo ang mga tao sa buhay mo na gusto Niyang suportahan mo.