Isipin na nakatayo sa tabi ng dagat habang ang mga alon ay bumabangga sa iyong paanan, nilalamon ng kalangitan ang namumuong unos, at ang hangin ay humahampas sa iyong mukha.
Alam mo na kailangan mo ng makakanlungan—at doon ay nakita mo ang isang maliit na dampa na matatagpuan sa buhanginan sa malapit, at ang isa sa kalayuan na matatag na nakatayo sa isang mabatong burol. Anong kanlungan ang pipiliin mo upang silungan?
2,000 taon ang nakaraan, nang si Jesus ay lumakad sa mundong ito, madalas Siyang nagkukuwento sa mga tao na nakapaligid upang marinig ang Kanyang turo. Isang araw, sinabi Niya sa kanila:
“Kaya't ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay maitutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay na ang pundasyon ay bato. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo iyon sa bato.”
Mateo 7:24-25 RTPV05”
At tulad ng lagi Niyang ginagawa, gumamit si Jesus ng mga tunay-na-buhay na halimbawa upang maipaliwanag ang mga espirituwal na katotohanan:
“Ang bawat nakikinig ng aking salita ngunit hindi naman nagsasagawa ng mga aral na ito ay maitutulad naman sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa may buhanginan. Umulan nang malakas, bumaha at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Ito ay bumagsak at lubusang nawasak.”
Mateo 7:26-27 RTPV05
Lahat tayo ay bumubuo ng ating mga buhay sa isang bagay. Bawat pasiya na ating ginagawa ay nagpapatibay sa kung ano ang pinaniniwalaan nating nararapat sa sistemang sumusuporta sa atin. Kaya kung ang unos ng buhay ay dumating, ang isang bagay ba na sinasaligan ng iyong buhay ay umaalalay sa iyo—o nagiging dahilan ng iyong pagbagsak?
Ang mga turo ni Jesus ay nanatiling mapagkakatiwalaan at matatag sa kaguluhang panlipunan, ang pagbangon at pagbagsak ng mga rehimen ng pamahalaan, at mga henerasyon ng makasaysayang pagbabago. Kahit ano ang mangyari—ang Salita ang Diyos ay nakatayo nang matatag.
Ang mga turo ng mundo, sa kabilang dako, ay madalas na nagbabago sa bawat henerasyon. Katulad ng nagbabagong buhanginan, ang idinudulot ng kasalukuyang kultura kadalasan ay hindi matatag dahil ang halaga nito ay patuloy na nagbabago.
Ang mga unos ay hindi maiiwasan at ang mga hamon ay darating, ngunit kailangan mong mamili ng iyong pundasyon.
Maaari mong piliin na gawin si Jesus na isang bagay na sinasaligan mo ng iyong buhay, o maaari mong piliin kung anuman ang iyong gawi, ideya o naisin na tila maayos sa sandaling iyon.
Kaya … saan mo isasalig ang iyong buhay?