Marahil ito ay isang pangarap na pinanghahawakan mo, o isang pangakong ibinigay sa iyo. Marahil ay naghihintay ka sa isang tao na magbago, o isang sitwasyon na mag-iba. Marahil naghihintay ka na masagot ang panalangin, dumating na pag-asa, kagalakan na papalit sa kalungkutan, o kalinawan at pag-asang papalit sa kalituhan at kaguluhan.
Maaaring mahirap sa gitna ng sakit, pangungulila, at pagdurusa na matiyagang kumapit sa Kanya na nangangakong darating para sa atin.
Si Isaias ay isang propeta sa mga pinuno ng Juda noong panahon ng katiwalian at espirituwal na pagdarahop sa bansa. Hinulaan niya na ang kanyang bayan ay ipatatapon dahil sa kanilang pagtitiwala sa mga diyos-diyosan, mga pulitikal na tagapamahala, at iba pang bagay na panandalian lamang.
Ngunit ipinaalala rin ni Isaias sa mga tao na ang Diyos ang higit sa lahat, ang Diyos ang magpapalaya sa kanila mula sa pagkabihag, at balang araw ang Diyos ay magpapadala ng isang tagapagligtas upang iligtas sila magpakailanman.
Hindi inabutan ni Isaias na makitang natupad ang lahat ng kanyang mga hula—ngunit pinanghawakan niya ang pag-asa sa kanyang mga inihula, at ang kanyang mga salita sa bayan ng Israel ay magpapatuloy na maghihikayat sa atin ngayon…
Magtiwala sa Panginoon kahit na ang mga sitwasyon ay walang katuturan.
Magtiwala sa Panginoon kahit na ikaw ay nagdurusa.
Magtiwala sa Panginoon kahit wasak ang iyong puso.
Anuman ang mangyari, magtiwala sa Panginoon.
Ang mga panahon ay maaaring mag-iba, ang mga sitwasyon ay maaring magbago, ang mga tao ay maaaring mang-iwan, magpabaya o tumalikod sa iyo—ngunit ang nananatiling hindi nagbabago sa buong kasaysayan ay ang Diyos sa kasaysayan. Ang Panginoon ay hindi nagbabago at hindi natitinag. Walang makalalaban sa Kanya o makatatalo sa Kanya.
Alam Niya kung paano magdusa dahil nagdusa Siya para sa atin. At kaya maaari tayong magtiwala sa Diyos dahil tumutupad Siya sa Kanyang mga pangako—at nangako Siya na ipaglalaban tayo, hindi tayo iiwan, gagawa ng paraan para sa atin, mamahalin tayo, pangangalagaan tayo, at mananatiling tapat sa atin.
Dahil ang Diyos ang ating kaligtasan, maaari tayong magtiwala sa Kanya at huwag matakot.
Kaya anuman ang mangyari, piliin natin ngayon na magtiwala sa Panginoon.