Kaalaman Patungkol sa Diyos

0



Saan ka man tumingin, mayroon kang matututuhan tungkol sa Diyos. Ang mundo ay puno ng impormasyon tungkol sa Kanya. Sinabi sa Awit 19:1 na ipinapahayag ng kalawakan ang gawa ng Kanyang mga kamay. At nakasaad naman sa Mga Taga-Roma 1:20 na magmula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, maliwanag na inihahayag ang Kanyang katangian ng Kanyang mga ginawa. 

Ang mga natututuhan tungkol sa katangian ng Diyos sa pamamagitan ng kalikasan ay tinatawag na Pangkalahatang Pahayag. Ito ang mga kaalaman patungkol sa Diyos na maaaring matutuhan ng kahit na sino sa pamamagitan lang ng pag-obserba sa mga nilalang. Espesyal na Pahayag naman ang tawag sa kaalaman sa Diyos at kaligtasan na matatanggap lang mula sa Kanyang Salita.

Isang halimbawa ng Espesyal na Pahayag ay ang Habakuk 2:14 kung saan nasusulat na darating ang araw na mapupuno ang mundo ng tunay na kaalaman sa Diyos. Noong una itong ipinahayag, nasa gitna ng pagpapatapon ang bansang Israel. Nakakaranas sila ng mga di-makatarungang pagmamalupit ng kanilang kaaway. Ngunit sa gitna ng nakakawalang pag-asa na sitwasyon, pinangakuan sila ng Diyos...

Subalit ang buong mundo ay mapupuno ng mga taong kumikilala at dumadakila kay Yahweh, kung paanong ang karagatan ay napupuno ng tubig.
Habakuk 2:14

Darating ang araw na marami ang makakakilala sa Diyos. Ang mga nagtitiwala sa Diyos bilang Tagapagligtas ay makakasama Siya nang walang hanggan sa Kalangitan. Ang mga hindi kumilala sa Kanya ay ituturing Siyang hukom, at mahihiwalay sa Kanya magpasa-walang hanggan.

Noong unang pagpunta ni Jesus sa mundo, nasilayan ng sangkatauhan ang kaluwalhatian ng Diyos. At dahil patuloy ang pagkilos ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pandaigdigang simbahan, patuloy pa rin nating natutunghayan ang kaluwalhatian ng Diyos. Sa pangalawang pagparito ni Jesus, ang lahat ay kikilalanin Siya bilang tunay na Hari. At sa oras na iyon, huli na para ibahagi sa iba ang mapagligtas na balita tungkol sa pagkamatay at muling pagkabuhay ni Jesus. Kaya naman dapat natin gamitin ang lahat ng pagkakataong mayroon tayo ngayon upang tulungan ang iba na kilalanin si Jesus bilang kanilang Tagapagligtas bago pa mahuli ang lahat. 

Bilang mga Cristiano, dapat natin ipanalangin ang pagbabalik ni Jesus at ang pagpuspos sa mundo ng Kanyang kaluwalhatian. Marapat lang na patuloy nating hanapin ang Diyos at basahin ang Salita ng Diyos upang mapuno tayo ng kaalaman tungkol sa Diyos. Kasabay nito, dapat tayong humanap ng pagkakataong mayroon tayo upang ibahagi sa iba ang kaalaman natin sa Diyos—ngayon mismo. 

Maglaan ng oras ngayon upang isipin kung kanino mo maaaring ibahagi ang pag-asang mula kay Jesus. At ipagdasal ang mga taong hindi pa kilala si Jesus—ipanalangin sa Diyos na gawin kang instrumento upang makilala pa Siya ng iba.



Post a Comment

0Comments
Post a Comment (0)
To Top