Ang pagiging alagad ay nasa sentro ng buhay Cristiano. Ang ibig sabihin ng pagiging alagad ay maging isang mag-aaral. Nangangahulugan ito ng pagsunod kay Jesus, at pagtulad ng ating buhay sa Kanya.
Sinabi sa atin ni Jesus na ang simula ng pagsunod sa Kanya ay ang pagtatakwil sa ating sarili. Ang pagtatakwil sa ating sarili ay nangangahulugan na pinipili nating unahin ang mga ninanais ni Jesus kaysa sa ating sarili. Nangangahulugan ito na dapat nating kilalanin na hindi natin alam ang lahat ng mga sagot, o alam ang tamang daan sa buhay.
Ang pagiging alagad ay hindi isang bagay na ginagawa natin minsan o dalawang beses. Ito ay isang uri ng pamumuhay na dapat isabuhay sa bawat araw. Gugugulin natin ang ating buong buhay na mas maging katulad ni Jesus.
Ang paraan ng pamumuhay na ipinakita ni Jesus ay ang magdusa sa krus. Kapag itinakwil natin ang ating sarili, pinipili nating mapagpakumbabang sundin si Jesus. At habang nagiging mas katulad tayo ni Jesus, kakailanganin din nating pasanin ang ating krus. Magdurusa din tayo sa paggawa ng mabuti, at sa pagtanggi sa mga bagay na parang nakakaakit sa sandaling ito, ngunit sa huli ay maglalayo sa atin sa Diyos. Ngunit kapag dinadala natin ang ating pagdurusa, kinakatawan natin si Cristo sa mga nakapaligid sa atin.
Ang kabalintunaan ng pagsunod kay Jesus ay kapag ibinigay natin ang ating buhay alang-alang sa Kanya, tatanggap tayo ng buhay na walang hanggan bilang kapalit. Kapag pinanghawakan natin ang ating buhay at inilalayo ito kay Jesus, hindi natin mararanasan ang masaganang buhay na Kanyang ipinangako.
Maglaan ng ilang oras ngayon para pag-isipan kung paano mo ipapamuhay ang pagiging alagad. Isa-isahin ang mga paraan kung paano mo itinatakwil ang iyong sarili at namumuhay para kay Cristo, o namumuhay nang makasarili para sa iyong sariling kasiyahan at pakinabang. Magtalaga sa pagsunod kay Jesus gaano man kahirap ang daraanan. At manalangin para sa lakas at tyaga habang sumusunod sa Kanya.