Walang taong nasisiyahan sa paghihirap. Mahirap humanap ng kagalakan sa gitna ng mga pagsubok o mahihirap na panahon—mas madali pang makaramdam ng kalungkutan o kahirapan.
Kaya't ang panghihikayat ni Pablo sa Mga Taga-Roma 5 ay maaaring magkasalungat. Isinulat ito ni Pablo sa iglesya sa Roma na dumaranas ng pagdurusa mula sa di-makadiyos na mga pinuno, ngunit hinihikayat niya na magalak sila sa kanilang pagdurusa.
Hindi sapat na tiisin lamang ang pagdurusa—sinabi niya sa kanila na magkaroon ng kagalakan. Alam ni Pablo na hindi natural na maging masaya sa mahirap na panahon, ngunit sa pamamagitan ng ginawa ni Jesus, ang mga Cristiano ay may kapayapaan sa Diyos at daan sa pananampalataya (Mga Taga-Roma 5:1-2). Pinahihintulutan tayo ng pananampalataya na panghawakan ang pag-asa na ang pagdurusa ay hindi ang katapusan ng ating kuwento.
Dahil alam natin na ang Diyos ay gumagawa sa loob ng ating mahihirap na sitwasyon, maaari tayong magkaroon ng pasensya at pagtitiyaga para matapos ng Diyos ang Kanyang gagawin. Pinadadalisay ng pagtitiyaga ang ating pagkatao. Habang naghihintay tayo sa Diyos, tayo ay nagiging mga taong mas katulad ni Jesus, at mas lumalakas ang ating pagtitiwala sa Diyos. Ito ay nagdaragdag ng pag-asa sa loob natin.
Hindi madaling magkaroon ng pag-asa kapag nakikita mo ang pagdurusa. Ngunit habang nagtitiwala tayo sa Diyos, napapalakas tayo upang patuloy na magtiis. Kapag tinitingnan natin ang pagdurusa mula sa pananaw ng Diyos, napagtatanto natin na Siya ay gumagawa upang magdala ng kaluwalhatian sa bawat sitwasyon.
Ipinakita sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo na mahal Niya tayo. Nagdusa Siya at ibinigay ang Kanyang sarili para sa atin upang magkaroon tayo ng kaugnayan sa Kanya, at patuloy Niyang ibibigay sa atin ang lahat ng kailangan natin upang mamuhay ng isang buhay na nagpaparangal sa Kanya.
Kaya isaalang-alang kung paano kumikilos ang Diyos sa iyong buhay, kahit na sa mga mahihirap na panahon. Isipin ang mga paraan kung paano ibinuhos ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa iyo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Humingi sa Kanya ng lakas upang magtiyaga, at hayaan na ang pagtitiyagang iyon ay lumago tungo sa isang matibay na karakter na umaasa at nagtitiwala sa Diyos kahit sa mahihirap na panahon. At kapag ang pagtitiyaga ay nagiging mahirap, panghawakan ang katotohanang ito: Ibinigay ng Diyos ang lahat para sa iyo, at hindi Siya kailanman aalis sa tabi mo.