Sa aklat ng 2 Timoteo, makikita natin si Pablo na nagsusulat ng liham kay Timoteo, isang kapwa misyonero. Maraming mga iskolar ng Biblia ang naniniwala na ito ang huling liham na isinulat ni Pablo bago ang kanyang kamatayan at isinulat niya ito mula sa isang selda ng Romanong bilangguan. Habang pinagninilayan ang kanyang buhay at naniniwalang papalapit na ang kamatayan niya, isinulat ni Pablo ang makapangyarihang talata:
"Pinagbuti ko ang aking pakikipaglaban, natapos ko na ang dapat kong takbuhin, at nanatili akong tapat sa pananampalataya."
2 Timoteo 4:7 RTPV05
Tapat.
Si Pablo ay tapat sa Diyos at, walang hanggan, ang Diyos ay tapat kay Pablo. Nasiraan ng barkong sinasakyan. Binato. Iniwanan ng mga kaibigan. Nabilanggo. Ang listahan ng mga pagdurusa ni Pablo ay nagpapatuloy. Ngunit siya ay nagtiyaga. Siya ay nanatiling matatag sa kanyang debosyon kay Cristo.
Kapag iniisip mo ang iyong buhay, ano ang gustong mong masabi sa dulo? Ano ang makikita mo sa iyong pagbabalik-tanaw?
Kay Pablo, makikita natin ang isang halimbawa kung ano ang ibig sabihin ng pagkapit sa pananampalataya kay Cristo. Alam niya kung ano ang ibig sabihin ng pag-asa sa Diyos sa lahat ng bagay. Humuhugot siya ng lakas mula sa Diyos dahil hindi niya ito magagawa kung wala Siya.
Sa ating sariling mga buhay, haharap tayo sa mga sandali ng pag-aalinlangan at panghihina ng loob. Panghawakan natin ang katotohanan ng Salita ng Diyos, batid na Siya ay tapat at hindi tayo iiwan. Nawa'y sabihin sa atin, sa katapusan ng ating buhay, na tayo rin ay pinagbuti ang pakikipaglaban, natapos ang takbuhin at nanatiling tapat sa pananampalataya.