Sandaling ipikit ang iyong mga mata. At habang ginagawa iyon, isipin ang kamangha-manghang naiibang planeta na tinatawag nating tahanan. (Oo, talaga.)
Lahat ng kaiisip mo lang—nilikha ng Diyos ang lahat ng ito. At nilikha tayong lahat ng Diyos upang sambahin Siya.
Mula hilaga hanggang timog at silangan hanggang kanluran.
Mula sa mataong mga lungsod hanggang sa mabagal na takbong mga nayon.
Mula sa walang buhay na mga disyerto hanggang sa puno ng buhay na kagubatan.
Mula sa pinakamatataas na kabundukan hanggang sa pinakamalalayong karagatan.
“Buhat sa silangan, hanggang sa kanluran, ang ngalan ni Yahweh, dapat papurihan!”
Mga Awit 113:3 RTPV05
Ang araw ay "sumisikat" at "lumulubog" sa ating lahat. Lahat ng tao, lahat ng wika, lahat ng bansa. Lahat ng kulay ng balat, kulay ng mata, at kulay ng buhok. Lahat ng hugis, sukat, at personalidad. Mayaman at mahirap. Namimighating mga puso at mga nakakahawang mga ngiti.
Ang pinagsama-samang mga tao mula sa iba't ibang bahagi ng mundo ay palaging nagpupuri sa Diyos mula henerasyon hanggang sa susunod na henerasyon—at patuloy itong nangyayari ngayon. At alam nating hindi ito titigil.
Sa Pahayag 7, si Juan ay may pangitain ng “napakaraming tao na di kayang bilangin ninuman, mula sa bawat bansa, tribo, bayan, at wika, nakatayo sa harapan ng trono at sa harap ng Kordero," na si Cristo. Sila ay naglilingkod at sumasamba sa Diyos, buong araw at gabi.
Ang bayan ng Diyos—sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap—ay mga taong sumasamba.
Maaari tayong sumamba sa pamamagitan ng ating mga awit.
Maaari tayong sumamba sa pamamagitan ng ating salapi.
Maaari tayong sumamba sa pamamagitan ng ating buhay.
At isang araw, kapag nakita na natin nang malinaw ang mga bagay-bagay, bawat tuhod ay luluhod at bawat dila ay magsasabi na si Jesu-Cristo ay Panginoon. Ngunit ngayon, hindi na natin kailangang maghintay para sumamba.
Kapag ang sikat ng araw ay dumadaloy sa iyong mga bintana, maaari kang sumamba.
Kapag ang kalangitan sa gabi ay naging parang kulay kahel at rosas, maaari kang sumamba.
Kapag nasa panahon ka ng paghihintay, maaari kang sumamba.
Kapag nasa panahon ka ng pagtanggap, maaari kang sumamba.
Kapag nadudurog ang iyong puso, maaari kang sumamba.
Kapag puno ang iyong puso, maaari kang sumamba.
Mula bukang-liwayway hanggang takip-silim, hayaang purihin ang pangalan ng Panginoon.
Ngayon, isipin ang talatang ito at isipin kung ano ang nag-uudyok sa iyo na sumamba sa Diyos. Pagkatapos, ibaling ang iyong puso sa Kanya at huwag kalimutang sumamba.