Mahalaga kung ano ang sinasabi mo sa sarili mo araw-araw. Kung may isang bagay kang pinaniniwalaan tungkol sa pagkatao mo na hindi totoo, mahihirapan kang maniwala sa kung ano ang sinasabi ng Diyos tungkol sa iyo.
Ngunit, kapag nakaugat ang iyong pagkakakilanlan sa Diyos at hinahayaan mo ang Kanyang Espiritu na hubugin ang iyong buhay, magsisimula kang makita ang iyong sarili kung paano ka Niya nakikita—at ito ay makakaimpluwensiya sa paraan ng iyong pakikitungo sa mga tao, sitwasyon, pagkakataon, at pangyayari sa paligid mo.
Kaya narito ang tatlong mga paraan upang mabantayan mo ang iyong mga iniisip at ipahayag ang katotohanan ng Diyos sa iyong buhay:
1. Tukuyin ang mga kasinungalingan na sinasabi mo sa iyong sarili.
Ang iyong mga salita at kilos ay nagpapahayag ng mga salaysay na sinasabi mo sa iyong sarili. Para malaman kung ang salaysay ay hindi totoo, tanungin ang iyong sarili: Ang kaisipan bang ito ay kinakikitaan ng takot, kawalan ng tiwala sa sarili, pagmamataas, kapaitan, o kawalan ng kumpiyansa? Ang kaisipan bang ito ay maghahantong sa akin na maging mapangutya o makasarili? Kung masasagot mo ng “oo” ang alinman sa mga tanong, ang mga salaysay na sinasabi mo sa iyong sarili marahil ay kailangang tugunan o ayusin.
Kung matutukoy mo kung saan at kailan ka nagsimulang maniwala sa isang kasinungalingan, mas madaling baguhin ang paraan ng iyong pag-iisip.
2. Baguhin ang iyong pananaw.
Sa bawat kasinungalingan, may katotohanan na maaaring pumalit dito—at ang mga katotohanang ito ay matatagpuan sa Biblia. Tingnan ang listahan ng iyong mga kasinungalingan, at hilingin sa Diyos na ipakita sa iyo sa Kanyang Salita kung ano ang Kanyang katotohanan. Lumikha ng isang puwang sa isipan para sa Banal na Espiritu upang ipakita sa iyo nang maliwanag kung paano ka Niya nakikita.
3. Ipahayag kung ano ang totoo.
Gawing ang mga katotohanan mula sa Banal na Kasulatan ay maging tiyak at intensyonal na mga pahayag na maaari mong ideklara araw-araw sa iyong buhay.
Narito ang ilan sa mga kapahayagan upang makapagsimula ka:
Sapat ako sapagkat ako ay anak ng Diyos.
Nagagalak ako sa pagdurusa sapagkat si Cristo ay nagdusa para sa akin.
Hindi ko ikinakahiya si Jesus dahil ang Kanyang sakripisyo ay nakapagpapabago ng buhay.
Minamahal ako nang labis, kaya nagmamahal ako tulad ng kung paano ako minamahal.
Walang makapaghihiwalay sa akin sa pag-ibig ng Diyos.
Habang isinasagawa mo ang mga hakbang na ito, tandaan na kung ang Diyos—na ang Salita ay katotohanan—ay nagsasalita ng mga bagay tungkol sa iyo, ibig sabihin, ito ay totoo. Kaya hayaan ang Banal na Espiritu na baguhin ang paraan ng iyong pag-iisip. Hayaang ang Kanyang iniisip tungkol sa iyo ay maging siyang iniisip mo tungkol sa iyong sarili.