Dalawang mahahalagang bagay ang sinabi ni Jesus tungkol sa pagmamahal natin sa isa't isa. Una, na malalaman ng lahat ng tao na tayo ay Kanyang mga alagad kung tayo ay magmamahalan sa isa't isa (Juan 13:34). Ikalawa, ang ating pakikipag-isa sa Kanya ay magpapaalam sa mundo na ipinadala Siya ng Diyos sa mundo (Juan 17:23).
Sinabi ni Jesus na malalaman ng mundo na Siya ay pumarito sa pamamagitan ng kung paano nagmamahalan ang Kanyang mga tagasunod sa isa't isa. Dapat nating mahalin ang isa't isa sa paraang ang mga hindi naniniwala kay Jesus ay mamamangha at nanaising malaman pa ang tungkol sa Kanya.
Alam ni Jesus na ang mundong ito ay puno ng galit, alitan, at labanan. Ito ang higit na dahilan kung bakit dapat maging prayoridad na mahalin ang ibang tao sa parehong pagmamahal na mayroon ang Diyos para sa atin. Ang pagmamahal sa kapwa ay maglalantad sa mundo sa dakila at mapagmahal na Diyos na unang nagmahal sa atin.
Mga ilang taon pagkatapos ng muling pagkabuhay ni Jesus, sumulat si apostol Juan ng tatlong maiikling liham sa mga tagasunod ni Jesus. At sa kanyang unang liham, naglaan siya ng panahon para kausapin sila kung paano magmahal, at kung bakit ito mahalaga. Sumulat si Juan: “...ang pag-ibig ay mula sa Diyos … kung mahal na mahal tayo ng Diyos, dapat din nating mahalin ang isa't isa … tayo ay umiibig sapagkat Siya ang unang umibig sa atin.” (1 Juan 4:7, 11, 19)
Sinasabi pa nga niya, “Ang nagsasabing “Iniibig ko ang Diyos,” subalit napopoot naman sa kanyang kapatid ay isang sinungaling. Kung ang kapatid na kanyang nakikita ay hindi niya magawang ibigin, paano niya maiibig ang Diyos na hindi niya nakikita.” (1 Juan 4:20, RTPV05)
Wala nang ibang paraan. Nilinaw ni Juan na ang pag-ibig natin sa isa't isa ay patunay na ang pag-ibig ng Diyos ay nasa atin. Kaya kung sasabihin nating mahal natin ang Diyos, dapat nakatalaga tayo sa pagpapakita ng pagmamahal sa isa't isa.
Habang pinagninilayan mo ang talata ngayon, tanungin ang iyong sarili: Mayroon bang sinuman sa buhay ko na kailangan kong pakitaan ng pagmamahal ngayon? May kailangan pa ba akong patawarin? Sa anong mga paraan ko mamahalin ang aking mga kapatid kay Jesus?