Sa Ebanghelyo ni Mateo, nakasulat ang pagsasabi ni Jesus ng mga sumusunod na salita:
“Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan ko, naroon akong kasama nila."
Mateo 18:20 RTPV05
Dahil sa marami pang ibang mga teksto sa Biblia, alam natin na ang kakayahan ng Diyos na makasama natin ay hindi nahahadlangan ng isang masikip na stadium o isang bakanteng silid. Kaya niyang makasama natin kahit na mayroong humigit kumulang na 2-3 tao na nagkakakatipon.
Kaya, sa partikular na kasong ito, ano ang ibig sabihin ni Jesus?
Kung titingnan natin ang nakapalibot na konteksto, si Jesus sa katunayan ay nagpapaliwanag sa Kanyang mga alagad kung paano itama ang isang mananampalataya na nagkasala sa kanila. Hinihikayat niya sila na:
- Una, makipag-usap sa tao nang nag-iisa.
- Ikalawa, kung tila hindi sila nakikinig sa unang pagkakataon, magdala ng isa o dalawa pang tao.
- Ikatlo, kung hindi pa rin sila nakikinig, dalhin ang isyu sa simbahan.
- Ika-apat, kung tumatanggi pa rin silang pakinggan ang karunungan at payo ng simbahan, tratuhin mo sila na gaya ng pagtrato sa isang hindi mananampalataya.
Kaya kapag sinasabi ni Jesus, “Saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan ko, naroon akong kasama nila,” ipinapaalala Niya sa kanila na, habang pinagdaraanan nila ang mga sitwasyon sa pagdidisiplina sa simbahan na may pagpapakumbaba, biyaya, at pag-ibig, Siya ay kasama nila sa proseso.
Sa kabuuan ng Salita ng Diyos, tayo ay binibigyan ng mga tagubilin upang mapanghawakan ang iba't ibang sitwasyon—maging ito ay pananalapi, mga relasyon, kasalanan, isyu sa kalusugan, atbp. At kahit ang mga bagay ay tila hindi itim o puti, maaari nating pakinggan ang Banal na Espiritu at tumingin sa mga pinuno na Kanyang itinalaga.
Alam ni Jesus na ang mga alitan at mga isyu ay hindi maiiwasang dumating, kaya tinuruan Niya ang Kanyang mga alagad na humiling ng kahit anong kailangan nila (tingnan ang talata 19), at nangako na makakasama nila sa lakbayin.