Maging Matatag at Matapang

0



Nang isulat ni Pablo ang kanyang unang liham sa iglesia sa Corinto, sumusulat siya sa mga mananampalatayang nakakaranas ng matinding pagkakabaha-bahagi. Ang kapangyarihan at pulitika sa loob ng komunidad ng simbahan ay naging dahilan upang ang mga Cristiano ay lumayo sa mga turo ni Jesus at makipagkumpitensya sa isa't isa. At dahil dito, ang mga mahihirap ay nagdurusa, ang mga tao ay nalilito tungkol sa teolohiya, at ang imoralidad ay pinahihintulutan. 

Kaya't pagkatapos na punahin ang kanilang mga pagkakamali, at ipakita sa kanila kung paano mamuhay na puno ng Espiritu, ibinuod ni Pablo ang kanyang pagnanais para sa mga taga-Corinto sa mga salitang ito… 

Maging handa kayo at magpakatatag sa inyong pananampalataya. Maging matapang kayo at magpakatibay, at ang lahat ng ginagawa ninyo'y gawin ninyo nang may pagmamahal. 
1 Mga Taga-Corinto 16:13-14 RTPV05

Maging handa… 
Ginamit ni Pablo ang pariralang ito para paalalahanan ang kanyang mga kaibigan na bantayan ang kanilang buhay, komunidad, at kanilang mga pagpili. Alam niya na kung wala silang kamalayan, hindi nila mapapansin ang mga kasinungalingan, panlilinlang, o pandarayang ginagamit ng diyablo upang makapasok sa kanilang komunidad.

Magpakatatag… 
Ang imoralidad ay isang pangunahing isyu sa simbahan ng Corinto. Ngunit sa halip na tugunan ang problemang ito, pinahintulutan ito ng mga Cristianong taga-Corinto. Kaya pinaalalahanan sila ni Pablo na sila ay iisang katawan. Kung ang isang tao ay pinahintulutan na hindi igalang ang Diyos, kung gayon lahat sila ay bahagi ng problema. Kailangan nilang matutunan kung paano manindigan nang matatag sa kanilang pananampalataya upang ang kanilang sukdulang hangarin ay mabigyang kaluguran ang Diyos, hindi ang mga tao.

Maging matapang. Magpakatibay…  
Upang mapaglabanan ang espirituwal na mga pag-atake, ang mga taga-Corinto ay kailangang manindigan nang sama-sama. Kailangan nilang buong tapang na gamitin ang kanilang mga kaloob at talento para palakasin ang kanilang komunidad ng simbahan at tulungan itong umunlad—kahit na tila kontra-kultura at hindi komportable.  

…At gawin ang lahat nang may pagmamahal. 
Sa 1 Mga Taga-Corinto 13, isinulat ni Pablo na maaari siyang maging perpekto, gawin ang lahat nang tama, hindi kailanman magkasala, at laging sundin ang mga utos ng Diyos—ngunit kung wala siyang pag-ibig, wala itong kabuluhan. Ang lakas, tapang, at katapatan—wala sa mga ito ang mahalaga kung ang pag-ibig ng Diyos ay hindi nasa sentro ng lahat ng ating iniisip at ginagawa.  

Kung hindi tayo binibigyang kahulugan ng pag-ibig ng Diyos, ang paninindigan ay maaaring maging pagiging matuwid sa sarili, ang lakas ay maaaring maging katigasan ng ulo, at ang katapangan ay maaaring maging pagmamataas.  

Kaya anong mga hakbang ang gagawin mo para manatiling matatag sa pinaniniwalaan mo nang may lakas at tapang? Habang tinutukoy mo kung anong mga pagpili ang kailangan mong gawin, tandaan na ipinaglalaban ka ng Diyos, at ang Kanyang Espiritu ay sumasaiyo. Maaari ka Niyang bigyan ng kapangyarihan na tanggapin at buong tapang na ibahagi ang Kanyang pagmamahal.



Post a Comment

0Comments
Post a Comment (0)
To Top