Maging Matiyaga para sa Diyos

0


Isa sa mga pinakamahirap gawin sa buhay ay ang maghintay. Mahirap maghintay sa mga kasagutan o pagbabago na mangyari, lalo na kapag pakiramdam natin ay kaya naman nating ayusin ang mga problema natin sa buhay.

Pero ang katotohanan: kapag sinubukan nating kontrolin ang ating buhay, maaari tayong mapadpad sa mga lugar na hindi natin kayang maisip. Katulad ng sumulat sa Mga Awit 40, maaari nating matagpuan ang ating sarili na naiipit sa isang mahirap na kalagayan. 

Maaaring hindi man natin nilayon na mapunta sa mga lugar na ito, pero kapag sinubukan nating kontrolin o ipagwalang-bahala ang direksyon ng Diyos sa buhay natin, makakagawa tayo ng kamalian. Wala tayong buo at kumpletong kaalaman ng hinaharap katulad ng Diyos. Wala tayong kapangyarihan na mapagtagumpayan ang lahat ng nasa ating landas katulad ng Diyos.

Kapag nasusumpungan natin ang ating sarili sa mga hindi inaasahang sitwasyon, ang pinakamagandang gawin ay maghintay sa Panginoon. Kapag matiyaga tayong naghintay sa Diyos, nagbibigay ito ng panahon sa Diyos upang gumawa Siya sa ating buhay ayon sa Kanyang nais. Habang nagtitiwala tayo sa Diyos, ang relasyon natin sa Kanya ay tumitibay din. 

Sinabi ng sumulat ng awit na ito na kinuha siya ng Diyos mula sa putik at inilagay ang kanyang mga paa sa isang matatag at matibay na bato. Hindi lamang siya niligtas ng Panginoon sa isang mahirap na lugar, pero binigyan din siya ng Diyos ng isang ligtas na lugar upang makatayo siya laban sa iba pang mga bagyo.

Maglaan ng panahon ngayon para makipag-usap sa Panginoon. Kung ikaw ay kasalukuyang naghihintay, humingi ka sa Diyos ng pasensya at tiyaga. Gusto ng Diyos na magtiwala ka sa Kanya habang ikaw ay naghihintay. Ang Diyos ang ating tunay na tagapagligtas, at hindi Siya kailanman mahuhuli. Pasalamatan mo Siya sa patuloy na pagliligtas Niya sa 'yo, at patuloy na magtiwala habang ikaw ay lumalapit sa Kanya.



Post a Comment

0Comments
Post a Comment (0)
To Top